Ano ang Inflation at Bakit Ito Mahalagang Bantayan?
Nitong Hunyo, pumalo ang inflation sa 6.1%, mas mataas kaysa sa inaasahan ng mga analyst. Ibig sabihin, mas mahal ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng gasolina at pagkain.
Isa ang inflation sa mga pinakamahalagang datos na nagsasabi kung malakas o mahina ang isang ekonomiya. Ano ba ng dapat mong malaman tungkol sa inflation at bakit ito mahalagang maintindihan?
Sinusukat ng inflation kung gaano kalaki ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Halimbawa, ang inflation ngayong Hunyo ay sinusukat kung gaano kalaki ang taas-presyo mula Hunyo 2021.
MGA EXPLAINER SA INGLES:
Yay, You Got a Raise! Does it Keep Up with Inflation?
Got a Salary Increase But Can't Save Money? That's Lifestyle Creep
From Mary Grace Ensaymada to Randy's Donuts, We Feel the Wheat Supply Crunch
Ang inflation o consumer price index ay kinakalkula batay sa isang basket ng mga bilihin -- pagkain, gasolina, pamasahe at mga kasangkapan sa bahay. Halimbawang may bagyo at maraming nasirang palayan, pabibilisin ng rice inflation ang pagtaas ng mga presyo sa kabuuan.
Inflation ang batayan sa interest rates o tubo sa utang. Mahalaga ito kung mayroon kang credit card, housing loan o auto loan. Kapag masyadong mabilis ang pagsipa ng inflation, maaaring taasan ng Bangko Sentral ang interest rates.
Kapag mabagal naman ang inflation, indikasyon na hindi gumagastos ang tao gaya nung simula ng pandemya, maaaring babaan ng Bangko Sentral ang interest rates.
Binabawasan ng inflation ang maaaring mabili ng iyong pera. Simpleng math, kung mabilis ang inflation, mas mataas ang gastusin, ibig sabihin, kung hindi tumaas ang sahod mo o tumaas nga kakarampot naman, mas kaunti ang mabibili mo sa grocery o maipapakarga sa gasolinahan.
Mayroon ding tinatawag na "shrinkflation", kung saan lumiliit ang serving ng mga produkto gaya ng pandesal o ulam sa karinderya para maiwasan ang taas presyo. Kung napansin mo na mas maraming patatas kaysa karne sa pananghalian mong giniling, "shrinkflation" 'yun.