READ: VP Leni Robredo's Full Miting De Avance Speech

Before 780,000 people in Makati City.
Photo/s: VP Leni Robredo/Facebook

Vice President Leni Robredo ended her volunteer-driven campaign for the presidency on Saturday telling her supporters that "nothing is impossible" in the fight to uplift millions from the margins.

Robredo is counting on the mammoth crowd that turned up for her campaign rallies to win the polls against archrival Bongbong Marcos. Her miting de avance in Makati City on Saturday was attended by over 750,000 people --- the biggest in her campaign.

READ: Inside Youth Volunteers' Fight for Leni-Kiko, 'It's Now or Never' 

Here's the rest of what Robredo said during her miting de avance:

Magandang gabi sa inyong lahat. Kumusta po kayo? Dalawang araw nalang, boboto na tayo. Bago pa man ang lahat–

(Crowd cheers)

Maraming salamat. Bago pa man po ang lahat, uunahin ko na po ang ilang paalala kasi baka makalimutan ko. Sa Lunes, magdala ng listahan. Tiyakin na ang kasama dito, mga taong matitino, mahuhusay, at mapagkakatiwalaan. Ang pakiusap ko po, sa bawant number 10 na Leni Robredo sa balota, kailangan may number 7 na Kiko Pangilinan na kasama. Ang atin pong mga senador, sina Teddy Baguilat, Leila de Lima, Chel Diokno, Dick Gordon, Risa Hontiveros, Alex Lacson, Sonny Matula, at Sonny Trillanes. Makakapanilbihan po ako ng maayos kung sila ang kasama natin sa laban na ito. Sa pagtungo niyo sa presinto, isabay ang kayang isabay. Mapag-matiyag dapat. Irecord at ireport ang anumang pangyayaring di pangkaraniwan na masasaksihan ninyo. Isuot ang anumang kulay na nais ninyo. Huwag matakot dahil napakarami natin.

Continue reading below ↓

Dinala tayo dito ng iba't ibang kuwento. Marami sa atin, nandito bilang kulminasyon ng ilang buwan ng pakikilahok. May iba ring matagal nang kahanay pero dumadalo sa rally sa unang pagkakataon; mga ayaw palipasin itong huling araw ng kampanya nang hindi nagpapabilang. Bawat isa sa inyo, patunay: Hindi lahat natutulog ngayong isinusulat ang kasaysayan. Noong Oktubre, tinawag ko kayong gisingin ang inyong lakas—at tumugon kayo. Ngayong gabi, buong pagmamalaki nating masasabi: “Nandito ako, kasama ako, tumataya ako.”

Marami po sa inyo, kagaya ko din na nagsimula: kabataang na tahimik, mahiyain, pinapanood muna ang nangyayari sa paligid. Nagbabad tayo sa mga komunidad, nakinig tayo sa mga pinagdadaanan ng ating kapwa. Dahan-dahan ang pagdating ng pagkamulat: May mali sa sistema. May magagawa ako para itama ito.

Kahit po noong tumakbo, nanalo, at nanungkulan ako bilang Pangalawang Pangulo, tuloy ang pagbabalik ko sa mga katotohanang ito. Sa bawat sandaling kailangang magnilay: Noong panahong isinantabi tayo sa Gabinete kung kailan inilalatag na sana natin ang plano para sa maayos na pabahay; sa bawat bagong kasinungalingang ibinato sa aming pamilya; sa election protest na hindi tinantanan gaano man kalinaw ang ating panalo; noong tanggapin natin ang pagiging drug czar kahit na alam nating isa itong patibong, dahil naniniwala tayong kung may kahit isang buhay na maliligtas, dapat gawin ang lahat; sa bawat gabing nagpuyat tayo para magdala ng ginhawa sa mga nagugutom, sa mga ineetsa-puwera, sa mga pinagdusa ng iba't ibang krisis– sa lahat ng pagkakataong ito, bumabalik tayo sa tanong ng pagkamulat at ng karugtong nitong pagkilos: Ano ang puwede nating gawin?

Continue reading below ↓
Recommended Videos

Pinatunayan ninyo ngayon: Parating may magagawa ang Pilipino. Iba-iba man ang konteksto natin, dito at ngayon nagtatagpo ang ating iba’t ibang mga kuwento. Sa katotohanang ang kapangyarihan, hindi kailanman maaagaw mula sa kamay ng taumbayan. At sakali mang may magtangkang agawin ito, pumapalag tayo, may lakas na nagigising sa atin at nagtututok ng sarili sa dakilang layunin.

Eksaktong pitong buwan na ang nakalipas. October 7, inihain ko ang sarili bilang kandidato sa pagka-Pangulo. Aaminin ko: Tanging pananalig ang pinanghawakan ko; walang survey na nagsabing kapag tumindig ako, may titindig sa tabi ko.

Pero kahit kailan, hindi ako nagduda. Hindi ako kailanman nawalan ng pag-asa, dahil alam kong mahal ng Pilipino ang kapwa niya Pilipino. Kahit magkakalayo, gumawa kayo ng paraan para ibandila ang pakikilahok. Kahit walang bayad, kahit abonado, kahit matrapik, pumunta kayo sa mga pagtitipon; ibinuhos ang inyong talento sa paggawa ng kanta, ng tula, ng mga mural, ng mga placard; miski ang pang-merienda ng mga kasama, sinagot n'yo pa. Ang mga celebrity, itinaya ang karera at pangalan. Kahit gutom at uhaw at nakabilad sa araw, sige lang sa pagtayo; kahit pagod na, naglakad pa rin kayo para hanapin ang susunod na pinto. Kaya maraming, maraming, maraming salamat, dahil sinabayan ninyo akong ipaglaban ang ating bansa.

Continue reading below ↓

Simula pa lang, mulat na ako: Ang laban na ito, hindi tungkol sa iisang tao o kandidato. Behikulo lang ako ng pag-ibig na sumasaklaw sa bawat Pilipino. Hindi madaling ipaliwanag ang pag-ibig na ito; paminsan pa nga, tinatawag na misteryo. Pero tiyak na tiyak nating nagmamahal tayo, dahil tayo mismo ang nagdadaan dito.

Wala akong kaduda-duda: Alam na alam ng bawat Pilipino ang pakiramdam na ito. Alam ito ng mga magulang na napapapikit na sa antok, pero diretso pa rin sa trabaho, dahil katumbas ng pahinga ang gutom ng kanyang pamilya. Alam ito ng lahat ng lumulunok ng hiya para mangutang ng pantustos sa pangangailangan ng anak niya. Alam ito ng mga handang gawin ang lahat para lang makahiram ng sasakyan, dahil kailangang itakbo sa ospital ang may sakit. Alam ito ng bawat isa sa ating nakaranas ng peligro o kaba, pero ang unang pumapasok sa isip ay kung paanong masisigurong ligtas ang mga mahal niya sa buhay. Ito ang katotohanang tinatayaan natin Hanggang sa huli nating hininga: Walang Pilipinong hindi marunong magmahal.

Continue reading below ↓

Magkakarugtong ang pag-asa ng bawat Pilipinong kumakayod, nagsasakripisyo, nagmamahal ng kanyang kapwa. Sana makaraos, sana guminhawa, sana maabot ng mga mahal ko sa buhay ang mga pangarap nila. At kung mahal natin ang Pilipinas, madaling ipinta ang eksena ng mga pangarap na ito. Isang bansa kung saan walang magugutom. Kung saan makakapagpagamot ang maysakit, may pera man siya o wala. Makakapag-aral ang kanyang mga anak. Kung magbanat ka ng buto, makakaipon ka, magkakabahay ka nang sarili, at maitataguyod mo ang lahat ng kailangan ng pamilya mo. Makakarating ka nang ligtas at mabilis sa gusto mong patunguhan, dahil maayos ang sistema ng transportasyon. Makakamit ang hustisya; lalaya ang mga inosente, at mananagot ang mga nagkasala.

Hindi ko ipapangako na makakamtan natin agad ang lahat ng ito, o na mawawala ang lahat ng problema natin sa isang iglap lamang. Pero ang panata ko: Sa landas para maabot ang solusyon, palalayain kayo ng gobyerno mula sa dumadagan sa inyo, tatabihan kayo sa pinagdaraanan ninyo, ibubuhos ang lahat ng sandali, bawat piso ng buwis natin, ang buong lakas para iangat ang buhay ng lahat ng Pilipino. Magkakaroon tayo ng gobyernong makikinig sa atin; na pupuntahan tayo, nasaanman tayo; na mamahalin tayo ng tunay.

Continue reading below ↓

Ngayon ang huling araw ng kampanya. Napakaraming aral ang ibinahagi sa atin ng mga nakaraang buwan. Natutuhan natin: Palaging mas radikal ang magmahal. Ang pagbaklas sa luma at bulok na sistema, nagsisimula sa pagtigil ng bangayan, sa pagkilala sa halaga ng isa't isa, sa pagdidiin sa katotohanan: Na ang tunay na pag-ibig, niyayakap ang lahat. Lumalabas sa nakasanayan, walang iniiwan, walang tinatalikuran.

Natutuhan natin: Napakabuti ang Pilipino. Handa pa rin ang Pilipinong magbukas ng puso. Pilit man tayong pinag-aaway ng iba, kung tao sa tao, kuwento sa kuwento ang labanan; kung puso ang kumakausap sa kapwa puso, laging magwawagi ang katotohanan. Walang mas hahalagang budget kaysa sa tiwala; walang mas mabisang makinarya kaysa sa taong nagkakawang-gawa.

Natutuhan natin: Ang minsan nang namulat, hinding-hindi na ulit mapipikit. Dala na natin habambuhay ang dakilang layunin na tumawag sa atin para makilahok sa krusadang ito: Karapatan nating magkaroon ng kinabukasang may dignidad– at tungkulin nating ipaglaban ito.

Continue reading below ↓

Natutuna natin: Walang imposible. Noong nagdeklara ako ng kandidatura, ang iba kayo naandon. Mabibilang ko lang kung ilan ang nasa harap ko. Ngayon, hindi ko na matanaw ang dulo ng mga taong kasama natin ngayon. Totoong walang kayang tumuma sa nagkakaisang lakas ng sambayanang Pilipino. Higit sa lahat: Palaging may pag-asa. Likas sa tao ang itutok ang mata sa abot tanaw na mas maginhawa na malaya sa pagdurusa. At likas sa pag-asang ito ang kumalat– ang dumaloy sa bawat isa sa atin. May pag asa sa loob nating lahat. Apoy itong hindi matutupok, liwanag na tumatanglaw sa landas ng iba.

Bukas, hindi na puwedeng mag-house to house. Nalungkot ba kayo? Na-enjoy niyo ba ‘yung house to house? Mabuti naman. Bawal na din maghayag ng pampublikong suporta. Kaya ang pakiusap ko sa inyo: Manalangin. Magpasalamat sa lahat ng nakasama. Palayain ang sarili mula sa duda at pangamba. Magtiwala na sa dulo ng pawis, panahon, at sakripisyo, may tagumpay na nag-aabang. Gawing payapa at tahimik ang ating puso. Pakinggan: May milyong-milyong pusong tumitibok, lumalaban, nagtitiwala sa kapwa Pilipino, nananalig sa Diyos, nag-uumapaw sa pag-asa, sabik na sabik nang paigtingin ang pagkilos tungo sa katuparan ng ating mga pangarap.

Continue reading below ↓

Ipagdiwang natin ngayong gabi ang isang makasaysayang kampanya. Kaya tara na. Ipanalo na natin ang sambayanang Pilipino! Maraming maraming salamat sa inyong lahat!

ALSO READ:

Win or Lose, Stripped of Fake News, This is Leni According to Real People 

Darna Stars, Miss Universe for Leni Tell Voters They Have the Power

Latest Headlines
Recent News